Bilang bahagi ng pagsisikap na palakasin ang lokal na industriya ng asin sa lalawigan, nagsagawa ng project visit at business consultancy ang Department of Trade and Industry (DTI)-Pangasinan Provincial Office sa Libring Salt Refinery sa bayan ng Mangaldan noong Oktubre 22, 2026.
Layunin ng pagbisita na alamin ang kasalukuyang kalagayan ng operasyon ng refinery, gayundin ang mga hamon at pangangailangan nito upang higit pang mapahusay ang produksiyon at kalidad ng lokal na asin.
Ang Libring Salt Refinery ay isa sa mga pasilidad sa Pangasinan na nakatutulong sa pagproseso at pagsusuplay ng asin sa lokal na merkado.
Sa isinagawang konsultasyon, tinalakay ng DTI ang iba’t ibang suliraning kinakaharap ng negosyo, partikular sa paggawa, pagproseso at pagbebenta ng produktong asin.
Nangalap din ang ahensiya ng mahahalagang impormasyon upang matukoy ang mga angkop na programa, teknikal na tulong at iba pang posibleng suporta na makatutulong sa pagpapahusay ng operasyon at pagpapalakas ng kakayahan ng refinery na makipagsabayan sa merkado.
Inaasahang makatutulong ang naturang hakbang upang higit pang mapaunlad ang lokal na produksiyon ng asin at makapagbukas ng mas maraming oportunidad para sa mga negosyong kabilang sa industriya.
Samantala, tiniyak ng DTI-Pangasinan ang patuloy nitong pagsusulong ng mga programa at serbisyong naglalayong palakasin ang mga lokal na negosyo at suportahan ang pag-unlad ng industriya ng asin sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






