NEW RIZAL PARK SA MANAOAG, INAASAHANG MAGBUBUKAS NG DAGDAG NA PAGKAKAKITAAN PARA SA MGA LOKAL NA NEGOSYANTE

Inaasahang magbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga lokal na negosyante at manlalako ang “New Rizal Park” sa Manaoag, Pangasinan, sa pamamagitan ng inaasahang pagdami ng mga turistang bibisita sa bayan.

Pormal na binuksan ang New Rizal Park noong Oktubre 26, 2026, kasabay ng paglulunsad ng LIGA Office, sa pangunguna ni Manaoag Mayor Jeremy Agerico “Ming” Rosario, kasama ang mga konsehal at kawani ng lokal na pamahalaan.

Dumalo rin sa aktibidad si Senator Manuel “Lito” Lapid, na pinarangalan dahil sa kaniyang suporta sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan.

Kasabay ng pagbubukas ng mga bagong pasilidad ang pagbabasbas na pinangunahan ni Rev. Fr. Jerome Geronimo, O.P.

Bukod sa pagiging bagong atraksyong panturismo, inaasahang magiging daan ang New Rizal Park upang mas makilala ang Manaoag at magbigay ng dagdag na pagkakakitaan sa mga lokal na vendor at negosyante.

Sa pamamagitan nito, umaasa ang lokal na pamahalaan na mapalalakas ang turismo sa bayan at mapasisigla ang lokal na ekonomiya, kasabay ng pagdami ng mga debotong bumibisita sa Manaoag Church.

Samantala, bukod sa New Rizal Park, pormal ding inilunsad ang LIGA Office upang paigtingin at maihatid ang mga kainakailangang serbisyo at tulong sa mamamayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments