Wednesday, July 29, 2026

10,000 school counselor associates, ide-deploy sa mga pampublikong paaralan laban sa bullying at mental health concerns

Magde-deploy ang pamahalaan ng 10,000 school counselor associates sa mga pampublikong paaralan kasunod ng mga insidente ng karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., magsisilbing gabay at tagapayo ang mga school counselor associates sa mga estudyanteng nakararanas ng bullying, mental health concerns, at iba pang personal na suliranin.

Dumarami na rin aniya ang masasamang impluwensyang kinahaharap ng mga kabataan, kabilang ang mararahas na video games, fake news, pornograpiya, at mapaminsalang nilalaman sa social media.

Dahil dito, nanawagan siya sa pamahalaan, mga paaralan, at mga magulang na magtulungan upang maprotektahan ang mga bata, lalo na sa loob ng mga paaralan na nagsisilbing kanilang ikalawang tahanan.

Kasabay nito, inatasan ni Marcos ang Department of Education (DepEd) at Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang mga hakbang para sa kaligtasan sa mga paaralan, kabilang ang pagpapalakas ng mga programa laban sa bullying at mas mabilis na pagtugon sa mga emergency.

Facebook Comments