
Posibleng ipasauli ng Commission on Audit (COA) ang P612.5 million na confidential funds ni Vice President Sara Duterte.
Sa impeachment trial ay sinabi ni COA state auditor Xylene del Campo na pwedeng i-disallow ng ahensya ang buong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at sa Department of Education (DepEd).
Tinukoy ni Senate President Win Gatchalian na naunang sinabi ni del Campo na may notice of disallowance (NDA) ang COA kaugnay sa P375 million na confidential funds ang OVP noong unang tatlong quarters ng 2023 matapos na ibigay ng noong special disbursing officer na si Gina Acosta ang pondo sa head ng security ng bise presidente na si Col. Raymund Dante Lachica na labag sa ilalim ng Joint Circular 2015-01.
Kapag naisyuhan ng notice of disallowance, ibig sabihin may nakita ang COA na iregular sa paggamit ng confidential funds at kailangang ibalik ang pera sa gobyerno.
Kinwestyon ni Gatchalian kung bakit sa DepEd ay walang NDA gayong sa naging pagdinig sa Kamara ay inamin ng dating disbursing officer ng DepEd na si Edward Fajarda na ibinigay din niya ang confidential funds noong 2023 sa security officer ng ahensya na si Col. Dennis Nolasco.
Sinabi naman ni del Campo na dahil sa bagong impormasyon ay posibleng repasuhin ang credit notice na unang inisyu sa DepEd dahil hindi nila alam na ibinigay pala ng SDO sa iba ang pondo.










