11-anyos na Dalagita, Ginahasa ng Sariling Ama; Suspek, Arestado

31
Cauayan City, Isabela- Tuluyan nang inaresto ng mga awtoridad ang suspek sa panggagahasa sa kanyang sariling anak matapos isilbi ang warrant of arrest nito sa kanyang bahay sa Sitio Mansarong, Barangay Sta. Margarita, Baggao, Cagayan.

Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Police Regional Office 2, kinilala ang suspek na si Romeo Bassig, 50-anyos, magsasaka, residente ng nabanggit na bayan at tinaguriang “Top 7 Most Wanted Person” sa Rehiyon Dos.

Si Bassig ang salarin sa ginawang panggagahasa sa kanyang sariling anak na isang 11-taong gulang.

Matatandaan na dakong alas-6:00 noong Marso 15, 2021 nang maganap ang panghahalay ng suspek sa biktima na itinago sa pangalang “Jane” kung saan, naiwan ito sa pangangalaga ng kanyang ama simula ng mamayapa ang ina.

Ayon sa ulat ng Baggao PNP, natutulog umano ang dalagita nang mapansin at maramdaman nitong may humihipo sa kanyang hita na humantong sa panggagahasa kung saan ang salarin ay kanyang sariling ama.

Nakasaad rin sa salaysay ng biktima na ang matinding takot sa ama ang nagtulak sa kanya upang ipagbigay-alam sa tiyahin ang kanyang sinapit sa kamay ng suspek.



Agosto 4, 2021 nang maidulog sa himpilan ng pulisya ang insidente.

Samantala, nagawa pa umanong manlaban ni Bassig sa mga awtoridad nang arestuhin ito dahil armado ito ng “tabas” kung saan inatake umano ang isa sa mga kapulisan kaya naman napilitan itong paputukan ng baril at natamaan ang kaliwang bahagi ng puwitan nito.


Agad namang isinugod ang suspek sa Baggao District Hospital para sa agarang atensyong medikal at kalauna’y nakalabas na rin sa nabanggit na pagamutan. Si Bassig ay kasalukuyang nakapiit sa Baggao Police Station at nahaharap sa kasong “Rape” in relation to Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Law.

Facebook Comments