11-ANYOS, NATAGPUAN SA BINAHANG BUKIRIN SA SAN CARLOS CITY MATAPOS IULAT NA UMANONG NALUNOD

Natagpuan ng mga awtoridad ang isang 11-anyos na bata sa isang binahang bukirin sa Barangay Capataan, San Carlos City, Pangasinan, nitong Linggo, Setyembre 6.

‎Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) San Carlos City Fire Station, nagsagawa ng joint search and retrieval operation ang kanilang mga tauhan matapos matanggap ang ulat hinggil sa umano’y insidente ng pagkalunod na kinasasangkutan ng bata, na residente rin ng nasabing barangay.

‎Nakipagtulungan ang BFP sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), Philippine National Police (PNP), at mga residente sa lugar para sa paghahanap.


‎Bandang alas-2:58 ng hapon nang matagpuan ang bata sa isang bukas at binahang agricultural field sa Barangay Capataan.

‎Hindi naman nakasaad sa inilabas na paunang impormasyon ng BFP ang kondisyon ng bata nang matagpuan at iba pang detalye kung paano nangyari ang insidente.


‎Patuloy na pinaaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa mga binahang lugar, partikular ang mga bata, dahil maaaring hindi agad matukoy ang lalim ng tubig at iba pang panganib sa ilalim nito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments