
Nagdeklara ang Nationl Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ng Yellow Alert sa Mindanao Grid ngayong araw.
Ayon sa NGCP, ipatutupad ang Yellow Alert mula alas-1:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi.
Kabilang sa mga pangunahing dahilan ng pagdedeklara ng Yellow Alert ang hindi pagtakbo ng malalaking coal plant na GNPK 2, gayundin ang kamakailang forced outages ng TSI 2 noong Agosto 29 at GNPK 1 noong Agosto 30.
Samantala, itataas naman ang Red Alert sa Visayas Grid mula alas-2:00 ng hapon hanggang alas-9:00 ng gabi, habang Yellow Alert naman mula ala-1:00 hanggang alas-2:00 ng hapon at alas-9:00 hanggang alas-10:00 ng gabi.
Ayon sa NGCP, 28 planta ang apektado sa kasalukuyan.
Sampung planta ang nasa forced outage, habang 17 iba pa ang tumatakbo sa derated capacity o limitadong kapasidad.
Kabilang pa sa mga dahilan ng kakulangan sa suplay ng kuryente ang hindi pagtakbo ng malalaking coal plant na TVI 1 at PEDC 3, gayundin ang limitadong power import mula sa Mindanao.
Ang Red Alert ay idinedeklara kapag hindi sapat ang suplay ng kuryente upang matugunan ang pangangailangan ng mga konsyumer at ng transmission grid habang ang Yellow Alert ay nangangahulugang manipis ang reserbang suplay ng kuryente.










