Pinag-iingat ng Department of Public Works and Highways Region 1 ang mga motorista sa ilang national roads na sakop ng Pangasinan 2nd District Engineering Office dahil sa mga nabuong potholes o malalalim na lubak sa kalsada.
Ayon sa DPWH Region 1, lumala ang kondisyon ng ilang bahagi ng mga kalsada dahil sa tuluy-tuloy na pag-ulan na dala ng magkakasunod na Bagyong Luis at Maymay, kasabay ng pinalakas na epekto ng Habagat.
Kabilang sa mga apektadong bahagi ang Pangasinan-Zambales Road mula Sigat hanggang Manat Bridge sa Binmaley, gayundin ang Binmaley-Lingayen via Quibaol Road sa Barangay Biec, Binmaley.
Naitala rin ang mga pothole sa Pangasinan-La Union Road sa Barangay Poblacion, Mangaldan, at sa ilang bahagi ng national road patungong Zambales, kabilang ang Sual-Labrador boundary hanggang Tobuan at Talipapa, Labrador, gayundin sa Barangay Laois, Labrador.
Naglagay naman ng warning signs at safety barriers sa mga lugar na may malalalim na lubak upang mabigyang-babala ang mga dumaraang motorista.
Ayon sa DPWH, nagsagawa na rin ng pothole patching at maintenance works sa ilang apektadong bahagi. Gayunman, dahil sa patuloy na pag-ulan at pagkababad sa tubig, muling nag-deteriorate ang ilang tinapalang bahagi ng kalsada.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista, partikular ang mga nagmomotorsiklo, na magbawas ng bilis at maging alerto, lalo na sa gabi at kapag umuulan dahil maaaring hindi agad makita ang mga lubak kapag natatakpan ng tubig.
Patuloy namang minomonitor ng Pangasinan 2nd District Engineering Office ang kondisyon ng mga naturang national road at tiniyak na isasagawa ang mga kinakailangang maintenance at repair works sa sandaling maging paborable ang lagay ng panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






