Kabuuang 3,843 kwalipikadong benepisyaryo sa Bayambang ang tumanggap ng ayuda sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Program ng pamahalaan.
Isinagawa ang dalawang araw na payout mula Agosto 13 hanggang 14, 2026, bilang suporta sa mga pamilyang nangangailangan ng dagdag na tulong para sa kanilang pangunahing pangangailangan at gastusin.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang opisyal na listahan ng mga kwalipikadong benepisyaryo ay direktang nagmula sa DSWD National Office.
Ginamit naman bilang batayan sa pagtukoy ng mga tatanggap ang pinakabagong datos mula sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) ng Philippine Statistics Authority (PSA), upang matiyak na mapupunta ang ayuda sa mga pamilyang higit na nangangailangan.
Kabilang sa mga pamilyang natukoy sa CBMS ang mga nasa “poor” at “near-poor” categories, na higit na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Layunin ng UPLIFT Program na makatulong sa mga kwalipikadong pamilya sa pagtugon sa kanilang pangunahing pangangailangan at gastusin. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







