
Binabalangkas na ni House Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo ang panukalang batas na magpapalawig sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang SLP ay bahagi ng poverty alleviation program ng DSWD alinsunod sa kagustuhan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa ilalim ng programa ay nagkakaloob ang DSWD ng P15,000 na pondong pangnegosyo sa bawat pamilya na kabilang sa mga mahihirap na komunidad at walang hanapbuhay o trabaho.
Kasama rin sa target na matulungan ng SLP ang mga magtatapos na sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Sa panukalang ihahain ni Tulfo, ay itatakda na hindi lang dapat available sa mga mahihirap na komunidad ang SLP kundi sa lahat ng kwalipikado na walang hanapbuhay.