
Pumalo sa mahigit 8.3 million ang naipinamahaging financial assistance ng Department of Migrant Workers o DMW sa 165 distressed Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Mandaluyong City.
Ang pamamahagi ng AKSYON Fund Assistance na idinaos sa DMW Central Office nitong September 8 ay batay sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) initiative ng pamahalaan.
Ayon kay DMW National Capital Region (NCR) Regional Director Atty. Falconi Ace Millar, layunin ng programa na magbigay ng agarang suporta sa mga OFW at kanilang pamilya na nasa gitna ng krisis, emergency, o distress situation.
Binigyang-diin ng ahensya na ang AKSYON Fund ay bahagi ng buong pagsisikap ng gobyerno upang itaguyod ang kapakanan at karapatan ng mga bagong bayani at ng kanilang mga pamilya.










