Friday, September 11, 2026

NBI, retirees and ex-employees association incorporated, pinalagan ang national bureau of imbento remarks ni Rep. Leviste

Naglabas ng isang open letter ang National Bureau of Investigation (NBI) Retirees and Ex-Employees Association Incorporated (REXEAI) na naka-address kay Congressman Leandro Legarda Leviste kaugnay ng naging pahayag nito na tumawag sa NBI bilang “National Bureau of Imbento.”

Sa liham, sinabi ng samahan na labis silang nadismaya sa naturang komento.

Ayon sa kanila, bagama’t maaaring biro lamang ang naging pahayag, nakaaapekto ito sa integridad at kredibilidad ng National Bureau of Investigation o NBI, isang ahensyang anila’y matagal nang nagsisilbi sa pagpapatupad ng batas at paghahatid ng hustisya.

Iginiit din ng grupo na bilang isang mambabatas, nararapat lamang na maging responsable at maingat sa mga pahayag na maaaring makabawas sa tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.

Hinimok ng samahan si Congressman Leviste na pag-isipan ang naging pahayag at pairalin ang paggalang sa mga ahensyang nagpapatupad ng batas at sa mga taong naglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod sa bayan.

Facebook Comments