
Nasa 1,700 na mga Pinoy na nagpaplanong pumunta sa Central Europe ang nailigtas sa kamay matapos maaresto ang kanilang illegal recruiter na nag-aalok ng pekeng employment opportunities.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, ang suspek sa hinihinalang large-scale illegal recruitment ay si Mazhoor Ubongin Khusin na kilala rin sa pangalang “Maz,”.
Si Khusin ay naaresto noon pang July 2026 sa Mexico, Pampanga at nagsilbi bilang officer ng ALJU International Manpower Services, Inc., isang recruitment agency na una nang humarap sa regulatory sanctions dahil sa pag-aalok ng hindi tamang employment opportunities, mataas na placement fees, at kabiguang i-reimburse o i-refund ang mga apektadong aplikante.
Kasunod nito ay kinansela na ang authority ng agency para mag-recruit ng mga gustong magtrabaho sa Europe.
Naging modus operandi ng suspek ang mag-alok ng trabahi sa Poland, Lithuania at Czech Republic bilang factory workers, farmers at hotel workers at nangangako ng sahod na P90,000 kada buwan.
Para ma-secure ang sinasabing trabaho ay pinagbabayad ang mga aplikante ng placement fee na aabot sa P80,000 hanggang P130,000.
Lumalabas na minamadali ng recruiter ang mga aplikante na magbayad ng naturang halaga gamit ang mga mapanlinlang na taktika.
Sinabi ni Cacdac na isang malaking development ang pagkakaaresto sa suspek na humaharap na sa patong-patong na kaso.
Kasabay nito, nagpaalala naman ang DMW sa mga gustong mag-abroad na mag-ingat sa pakikipag-usap sa mga individwal na nag-aalok ng overseas jobs lalo na ang mga nagde-demand ng substantial placement fees, nangangako ng mataas na sahod at pagbibigay ng visa, permanent residency o agarang deployment.










