Saturday, August 15, 2026

PBBM, hindi papayag na gawing launch pad ng US ang Pilipinas sakaling atakehin ng China ang Taiwan

Hindi papayag ang Pilipinas na gamitin ang teritoryo at mga base militar nito bilang lunsaran ng pag-atake ng ibang bansa sakaling sumiklab ang giyera sa pagitan ng China at Taiwan.

Ito ang iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa harap ng mga foreign correspondent, nang matanong kung papayagan ng Pilipinas ang US military na magsagawa ng opensibong operasyon mula sa mga base nito sa bansa.

Ayon kay Marcos, walang interes ang Pilipinas na makisali sa anumang digmaan.

Ang pangunahing layunin aniya ng pamahalaan ay protektahan ang teritoryo ng bansa at panatilihin ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.

Iginiit ng pangulo na taliwas sa polisiya ng kanyang administrasyon ang anumang pag-atakeng ilulunsad mula sa Pilipinas.

Dagdag pa ni Marcos, ang magiging hakbang ng US o iba pang bansa ay nakabatay sa sarili nilang foreign policy.

Matagal na aniyang may ugnayang pangkalakalan ang Pilipinas sa Taiwan dahil sa pagiging magkalapit na bansa, pero limitado ito sa mga gawaing komersyal alinsunod sa One China policy ng Pilipinas.

Facebook Comments