Wednesday, June 10, 2026

18 bodyguards at abogado nila, inireklamo ni House Deputy Speaker Janet Garin sa DOJ

Nagsampa ng reklamong cyberlibel at perjury sa Department of Justice (DOJ) si House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janet Garin laban sa 18 ‘maleta boys’ at abogado nilang si Atty. Levi Baligod.

Ayon kay Garin, ito ay matapos siyang idawit sa mga tumanggap umano ng male-maleta ng pera mula sa kickback sa flood control projects.

Sabi ng kongresista, hindi niya kilala ang 18 maliban na lamang kina dating Rep. Mike Defensor at si Baligod na kalaban daw ng kanilang pamilya sa Iloilo.

Ni hindi rin naman daw niya nakita ang 18 tauhan ni Zaldy Co sa Kongreso noong nagsisilbi pa ito bilang kongresista.

Ipinaliwanag naman ni Garin na ngayon lamang sila naghain ng reklamo dahil matagal na nilang hinihintay ang sinumpaang salaysay ng 18 pero hanggang ngayon ay wala pa silang nakukuhang kopya.

Naniniwala naman si Garin na posibleng idinawit siya sa isyu ng maleta upang siraan at patahimikin.

Facebook Comments