Wednesday, June 10, 2026

PBBM, naglaan ng ₱100-M pondo para sa GenSan; mga pamilyang namatayan sa lindol, may tig-₱50-K ayuda

Naglaan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng ₱100 milyong pondo para sa General Santos City upang makatulong sa pagpapaayos ng mga pasilidad na napinsala ng magnitude 7.8 na lindol, kabilang ang gusali ng city hall.

Sa kanyang pagbisita sa General Santos City, sinabi ng pangulo na manggagaling ang pondo sa Local Government Support Fund (LGSF) upang mapabilis ang rehabilitasyon ng mga nasirang imprastraktura sa lungsod.

Inanunsyo rin ni Pangulong Marcos na tatanggap ng tig-₱50,000 na ayuda ang bawat pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa lindol.

Nangako rin ang pangulo ng karagdagang tulong pinansyal para sa mga lokal na pamahalaan ng Sarangani at South Cotabato upang suportahan ang pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga nasirang imprastraktura.

Hindi pa tinukoy ang eksaktong halaga ng pondong ilalaan, ngunit sinabi niyang kukunin din ito mula sa LGSF.

Ayon sa pangulo, ang Sarangani ang isa sa mga lugar na pinakamalubhang naapektuhan ng lindol sa Mindanao kaya kabilang ito sa prayoridad ng pamahalaan sa mga programang rehabilitasyon at pagbangon.

Facebook Comments