Umabot na sa 1,830 senior citizens sa bayan ng San Fabian ang nakatanggap ng social pension ngayong 2026, habang daan-daan pa ang hinihintay na maisama at ma-validate sa programa.
Batay sa ulat ni Office of the Senior Citizens Affairs o OSCA Head Raymundo Bucao, may karagdagang 401 senior citizens na natukoy para maisama sa social pension program, habang 431 naman ang nakatakdang sumailalim sa validation upang matukoy ang kanilang kwalipikasyon.
Bukod sa pensiyon, kabilang sa mga naipagkaloob na serbisyo ang food packs, libreng gamot at bitamina para sa mga bedridden na nakatatanda.
Mayroon ding tulong pinansyal na ₱1,000 para sa mga kwalipikadong octogenarian at nonagenarian, o mga nasa edad 80 hanggang 99, at ₱5,000 naman para sa mga centenarian o umabot na sa edad 100.
Gayunman, hindi pa tinukoy sa ulat kung kailan makukumpleto ang validation ng 431 senior citizens at kung kailan maaaring maisama sa susunod na pamamahagi ng pensiyon ang mga karagdagang benepisyaryo.
Inilahad ang mga datos sa flag-raising ceremony ng lokal na pamahalaan ngayong Nobyembre 3.
Mahalaga ang pagkumpleto sa validation at pag-update ng listahan upang matiyak na hindi maiiwan sa programa ang mga kwalipikadong nakatatandang nangangailangan ng tulong. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







