Apat na PCG rescuers, pinaghahanap sa Abulug, Cagayan

Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na apat sa mga rescuers nila ang nawawala matapos tumaob ang PCG aluminum boat nito sa katubigang sakop ng Abulug, Cagayan.

Ayon sa PCG, papuntang M/Tug Iroquis, na 21 nautical miles ang layo mula sa Aparri, ang apat na rescuers upang sagipin ang pitong tripulanteng sakay ng naturang tugboat.

Habang binabaybay ang dagat, tumaob ang aluminum boat dahil sa malakas na hangin at malalaking alon sa kasagsagan ng Bagyong Egay.


Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang search and rescue (SAR) operation ng PCG sa katubigang sakop ng Abulug, Cagayan.

Nakatakda na ring magpadala ng Coast Guard Aviation Force (CGAF) helicopter sa naturang katubigan para makatulong sa paghahanap sa apat na PCG rescuers.

Facebook Comments