Friday, May 8, 2026

P18-B unused budget ng DA noong 2025, pinagagamit para sa fuel at fertilizers subsidies

Hinikayat ni Agriculture Committee Chairman Senator Kiko Pangilinan ang Department of Agriculture (DA) na ilabas na agad ang hindi pa nagamit na pondo ng ahensya noong 2025.

Ang unused budget ay aabot sa halagang P18 billion o P8 billion mula sa unobligated 2025 continuing appropriations at P10 billion na unreleased na budget sa farm-to-market road appropriations na maaaring gamitin sa fuel at fertilizer subsidies ng mga magsasaka at mga mangingisda.

Nanghihinayang si Pangilinan na mayroon naman palang pera na pwedeng magamit pantulong sa mga magsasaka at mga mangingisda.

Kinalampag ni Pangilinan ang DA na madaliin ang pagtukoy sa pondo na maaaring i-realign o ilipat dahil lubhang nangangailangan ng suporta ang ating local production at para makatulong na rin na mapatatag ang presyo ng pagkain at mabawasan ang pagiging dependent ng Pilipinas sa pag-iimport ngayong kritikal na panahon.

Dagdag ng mambabatas, hindi na kakayanin pa ng mga magsasaka at mga mangingisda na maghintay at sa panahon ngayon, bawat piso ay mahalaga para maprotektahan ang mga mamimiling Pilipino.

Facebook Comments