2 illegal recruiter na nag-aalok ng pekeng trabaho sa Japan, hinatulang makulong ng korte sa Muntinlupa – DMW

Napatunayang guilty ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 ang dalawang babaeng illegal recruiter.

Kinilala ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga nahatulan na sina Lenie Rose Nunag Limos at Maria Corazon Quiambao Villanueva.

Ayon sa DMW, sina Limos at Villanueva ay nag-aalok ng pekeng trabaho bilang farm worker sa Japan nang walang kaukulang lisensya mula sa kanilang tanggapan.

Ayon sa mga nagreklamo, inalok sila ng mga akusado ng trabaho sa Japan na may sahod na ₱50,000 hanggang ₱80,000 kada buwan, bukod pa raw sa food allowance.

Nangolekta rin anila, sina Limos at Villanueva ng processing fee na ₱5,000 para sa mga babaeng aplikante at ₱7,000 para sa mga lalaki, ngunit walang nangyari sa kanilang aplikasyon.

Ang dalawang illegal recruiter ay hinatulan ng korte ng pagkakakulong na hindi bababa sa 12 taon at 1 araw bilang minimum hanggang 20 taon bilang maximum.

Pinagbabayad din sila ng ₱1,000,000 na multa bawat isa, alinsunod sa umiiral na batas laban sa illegal recruitment.

Facebook Comments