2 Lalaki, Kulong sa Pambubugbog sa Mismong Kamag-anak

21
Cauayan City, Isabela- Nahaharap ngayon sa kasong Frustrated Murder ang dalawang lalaki matapos pagtulungang pagbubugbugin ang isang laborer na kamag-anak rin ng ilan sa mga suspek sa Barangay Amobocan dito sa Lungsod ng Cauayan.

Nasampahan kahapon ng bigong pagpatay ang mga suspek na kinilalang sina Jessie Lumelay, 28-anyos; Lester Barangay, 20-anyos; Buboy Lumelay, Jeff Rian Abrujena, Michael Sio at Herson Lagoc na pawang mga residente rin ng nasabing Barangay.

Mula sa anim na bilang ng mga suspek ay dalawa lang sa kanila ang nahuli ng kapulisan na nakapiit ngayon sa lock-up cell ng PNP na sina Jessie Lumelay at Lester Barangay. Ang apat namang mga suspek na nakatakas ay hahainan nalang ng warrant of arrest para sa pag-aresto ng pulisya.

Sa atin pang nakuhang impormasyon mula sa PNP Cauayan, nasa malubhang kalagayan ang biktima na si Joel Malana, 48 anyos, may-asawa at residente rin ng brgy Amobocan.

Under observation din ang biktima matapos na magtamo ng malalang sugat sa ulo dahil sa pambubugbog na kung saan ay marami itong tahi sa ulo at nakatakda ring isailalim sa CT Scan.

Sa imbestigasyon naman ng pulisya, bago ang insidente ng pambubugbog, habang nakatulog ang biktima sa kanilang bahay ay dumating ang suspek na si Lester at pinagising ang biktima para makausap nito.



Habang nag-uusap si Lester at biktimang si Malana ay biglang dumating ang iba pang suspek at pinagtulungang pagsusuntukin ang biktima.

Sa ating panayam sa isang suspek na si Jessie, dala lamang aniya ng kanilang kalasingan kaya nagawa nilang bugbugin ang biktima.


Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang talagang motibo ng mga suspek sa pambubugbog maliban sa dala lang umano ng kanilang kalasingan.

Facebook Comments