Wednesday, August 5, 2026

MGA PAGBAHA AT PAGGUHO NG LUPA, NARANASAN SA LA UNION MATAPOS HAGUPITIN NG HABAGAT NA PINALAKAS NG BAGYONG LUIS

Hindi lamang pagbaha at malakas na hangin ang iniwan ng Habagat na pinalakas ng Bagyong Luis sa La Union, kundi serye rin ng mga insidenteng kinailangang tugunan ng mga awtoridad para matiyak ang kaligtasan ng mga residente.

Umabot sa 27 insidente ang naitala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), kabilang ang mga pagbaha sa Bauang, Santo Tomas, Naguilian, at lungsod ng San Fernando. Na-monitor din ang pagbagsak ng puno at pagguho ng lupa sa bayan ng Naguilian dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at pabugso-bugsong hangin.

Agad kumilos ang PDRRMO matapos ma-stranded ang ilang empleyado sa isang opisina sa San Fernando City. Isinagawa ang rescue operation gamit ang mga rescue vehicle upang mailigtas ang mga naapektuhan.

Sa bayan naman ng Burgos, nagtulungan ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office at PDRRMO upang sagipin ang ilang residenteng na-trap matapos tumaas ang tubig sa ilog sa Barangay Lower Tumapoc. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Bukod sa mga operasyon sa pagbaha, nagsagawa rin ng assessment ang Emergency Medical Service at Search and Rescue Team sa mga residenteng naapektuhan ng sunog sa Barangay Quinavite, Bauang.

Samantala, 34 na barangay sa Bauang, Naguilian, at San Fernando City ang nakaranas ng pagkawala ng suplay ng kuryente habang 159 pamilya naman mula sa Naguilian at Bagulin ang pansamantalang inilikas sa mga evacuation center.

Ayon sa PDRRMO, patuloy ang koordinasyon nito sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang lawak ng pinsala at agad na maibigay ang kinakailangang ayuda at serbisyo sa mga residenteng naapektuhan ng masamang panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments