
Ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ang pag-relieve sa dalawang commissioned officers ng Corrections Institution for Women (CIW) dahil sa umano’y anomalya sa trust funds ng Persons Deprived of Liberty (PDL) na nagkakahalaga ng P6 million.
Ayon kay Catapang, ni-relieve ang mga opisyal para bigyang daan ang isasagawang imbestigasyon kina C/SSupt. Daisy Sevilla-Castillote, Superintendent ng CIW at C/SSupt. Marites Lebardo, Deputy Superintendent for Administration of CIW.
Ang dalawang opisyal ang magre-report muna sa Office of the Deputy Director General for Administration (DDGA) at sa National Headquarters sa Muntinlupa City.
Hiniling na rin ng BuCor sa Muntinlupa Police Station na hanapin si Corrections Officer2 Bianca Ramos na PDL Trust Fund Officer na nag-absent without leave o AWOL noon pang July 29.
Itinalaga namang Acting Superintendent of CIW si CT/SInsp. Lariza Martin na director mula sa Reception and Diagnostic Center NHQ.
Ipinag-utos na rin ni Catapang kay Edgardo Virtudazo, Chief of the Internal Audit Service Unit (IASU) na magsagawa ng internal audit kaugnay ng sinasabing mishandling ng trust funds.
Ang audit ay kinabibilangan ng pag-verify sa lahat ng detalye, impormasyon at mga report na may kaugnayan sa isyu.
Inatasan din ni Capatang ang Directorate for Intelligence and Investigation na pinangungunahan ni Atty. Ferdinand V. Balduman na magsagawa ng parallel investigation para matukoy ang lawak ng pananagutan ng mga dati at kasalukuyang CIW officers.










