DAGUPAN AT IWATA CITY COUNCIL, NAGPALITAN NG KAALAMAN SA BATAS AT SERBISYONG PANLUNGSOD BILANG BAHAGI NG 50 TAONG SISTER CITY PARTNERSHIP

Nagpalitan ng kaalaman at pinakamahuhusay na kasanayan sa pamamahala ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan at Iwata City Council sa Japan bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng kanilang Sister City Partnership.

Pinangunahan nina mga Councilor Chito Samson, Michael Fernandez, at Karlos Reyna IV, kasama si SP Secretary Ryan Ravanzo, ang delegasyon ng Dagupan sa pulong na ginanap sa Iwata City Hall sa Japan.

Tinalakay sa legislative exchange ang mga posibleng hakbang upang mapalakas ang mga lokal na ordinansa, programa, at serbisyong pampubliko sa Dagupan.

Kabilang sa mga pangunahing paksa ang pangangalaga at serbisyo para sa mga senior citizen, imprastraktura at paghahanda sa kalamidad gaya ng flood control at drainage systems, edukasyon at pagpapaunlad sa kabataan, serbisyong pangkalusugan, at mga oportunidad sa trabaho at kabuhayan para sa mga Dagupeño.

Napag-usapan din ang posibilidad ng school exchange partnership, kabilang ang pagtukoy sa isang pampublikong paaralan na maaaring gamiting modelo para sa mga susunod na palitang pang-edukasyon.

Ibinahagi rin ng mga opisyal ng Dagupan ang kanilang mga kasalukuyang programa at inisyatiba, habang kumuha ng mga kaalaman sa mga polisiya at sistema ng pamamahala ng Iwata na posibleng iangkop sa lungsod.

Kasama sa delegasyon sina City Legal Officer Atty. Aurora Valle, Chief of Staff Luz De Guzman, CDRRMO Chief Ronald De Guzman, Teen Center Head Geraldine Custodio, at Willy Guieb ng Dagupan City National High School.

Layunin ng palitang-kaalaman na maisulong ang mas epektibong mga lokal na polisiya at programa na makatutulong sa pagpapabuti ng serbisyo sa mga mamamayan.

Sa paggunita sa limampung taong ugnayan ng Dagupan at Iwata, ipinakita ng inisyatiba na ang Sister City Partnership ay hindi lamang nakatuon sa palitang pangkultura, kundi nagbubukas din ng oportunidad para sa praktikal na kooperasyon at pagpapaunlad ng mga serbisyong panlungsod. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments