
Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na may natatanggap na tulong ang dalawang sundalong biktima ng sekswal na pang-aabuso mula sa isang mataas na opisyal ng militar.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, binibigyan ng psychological support ang dalawang lalaking miyembro ng Philippine Air Force (PAF).
Sa ngayon hawak na ng PAF ang proseso ng pagbibigay ng tulong sa mga junior officer, habang naka-house arrest naman sa loob ng kaniyang quarters ang akusadong heneral.
Bagama’t hindi pinapangalanan, lumutang sa mga naunang ulat na may ranggong two-star General ang suspek na posibleng humarap sa court martial.
Paliwanag pa ni Padilla, handa ang Sandatahang Lakas na isuko ang Senior military officer kung may mailalabas na commitment order mula sa civilian court.
Samantala, nasa kamay na ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang resulta ng inisyal na imbestigasyon at kasalukuyang dumadaan sa final review.