
Arestado sa isinagawang entrapment operation ang isang 22 taong gulang na babae matapos mag-alok ng DIY o Do-It-Yourself dental braces sa Iloilo City.
Ayon sa ulat ng Anti-Cybercrime Group (ACG), nadiskubre nila sa pamamagitan ng cyberpatrolling ang isang post sa Facebook na nag-aalok ng nasabing serbisyo sa halagang tatlong libong piso at pagtanggal ng brace sa halagang 1,500 pesos.
Bukod dito, ay nag-aalok rin umano ng iba pang dental services ang suspek kasama na rito ang paglalagay ng braces, pampaputi ng ngipin at paglalagay ng dentures kung saan makakapamili ang maeenganyo dito kung home service o gagawin sa make up clinic ng suspek na matatagpuan mismo sa kanyang bahay.
Napag-alaman din ng awtoridad na walang pormal na edukasyon, training at lisensya sa pagdedentista ang nasabing suspek kung saan natuto lang umano ito sa mga online video tutorials.
Naharap naman ang suspek sa paglabag sa RA 9484 o Philippine Dental Act, in relation to RA 10175 o Cybercrime Prevention Act kung saan siya ay na-inquest ngunit pansamantala ring nakalaya matapos makapagpyansa ng 30 thousand pesos.
Paalala naman ng ACG sa publiko na iberipika muna ang lisensya ng dentista at kung lehitmo ang clinic nito, huwag din magpalagay ng braces at anumang dental procedure sa hindi lisensyadong practitioner dahil ang kalusugan at kaligtasan ay hindi dapat isugal sa murang alok.










