
Inilunsad ng National Capital Region Police Office ang Unity Borderless Policing System o tinawag na “Timpuyog”sa Southern Police District (SPD) sa Taguig City kahapon, October 19.
Ang nasabing polisiya ay may layon na tanggalin ang jurisdictional barriers sa pagitan ng mga police station at substation upang maging mas mabilis ang koordinasyon at hindi makalusot ang mga kriminal na tumatawid sa ibang bayan.
Ayon kay NCRPO Officer-in-charge BGen. Christopher Abrahano, kailangan na makasabay din ang pulisya sa mga kriminal na gumagawa ng krimen sa ibang lugar kaya mahalaga ang nasabing polisiya na ito.
Ayon pa kay Abrahano, matagal nang may nangyayaring cross-border operation sa ilang himpilan ng pulisya at ito ay kanila lamang pino-formalize.
Dagdag pa niya, wala dapat maging imaginary wall sa mga estasyon ng pulisya dahil ito ay dapat na tulungan.
Kaugnay nito ibinahagi naman ni Abrahano na ang nasabing polisiya ay tinitingnang mangyari sa buong Metro Manila.










