Tuesday, July 21, 2026

24 DRUG PERSONALITIES AT 21 WANTED PERSONS, NAARESTO NG PANGASINAN PPO

Patuloy na pinalalakas ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang kampanya nito laban sa kriminalidad sa pamamagitan ng pinaigting na pagpapatrolya, pagpapatupad ng batas, at mga police operation sa buong lalawigan sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Dennis L. De Leon, Officer-in-Charge at Provincial Director.

Ayon sa Pangasinan PPO, nagbunga ang kanilang mas pinaigting na operasyon ng mahahalagang tagumpay sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Sa kampanya laban sa ilegal na droga, nagsagawa ang Pangasinan PPO ng 18 anti-illegal drug operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng 24 na hinihinalang drug personalities. Nakumpiska rin ang tinatayang 76.94 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na mahigit ₱523,000.

Samantala, dalawang operasyon laban sa mga ilegal na baril ang nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang indibidwal. Nakumpiska rin ang dalawang baril, naitala ang isang loose firearm, at boluntaryong isinuko ang dalawang hindi lisensiyadong baril at isang deposited firearm.

Sa kampanya laban sa mga wanted person, naaresto ang kabuuang 21 indibidwal, kabilang ang dalawang Most Wanted Persons at 19 na iba pang wanted persons.

Tiniyak ng hanay na magpapatuloy ang pagpapatupad ng intelligence-driven at community-oriented policing upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko sa buong Pangasinan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments