Hindi lamang simpleng tunog ng babala ang maririnig ng mga residente ng Infanta tuwing Biyernes ng tanghali, kundi isang paalala ng kahalagahan ng kahandaan laban sa posibleng panganib ng lindol at tsunami.
Simula kahapon, July 17, 2026, ipatutupad na ng Pamahalaang Bayan ng Infanta ang regular na pagpapatunog ng sirena tuwing alas-12:00 ng tanghali bilang bahagi ng Municipal Early Warning System ng bayan.
Isinagawa ang hakbang na ito matapos ipatupad ang Executive Order No. 55, Series of 2026, na nag-aatas sa Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) na magsagawa ng lingguhang siren activation upang masukat ang kahandaan at mapalakas ang kaalaman ng publiko sa mga senyales ng panganib.
Ayon sa pamahalaang bayan, layunin ng regular na pagsubok na maging pamilyar ang mga mamamayan sa tunog ng sirena upang maiwasan ang kalituhan at panic kapag dumating ang aktuwal na emergency.
Binigyang-diin din na ang sirena tuwing Biyernes ng alas-12:00 ng tanghali ay bahagi lamang ng test at drill at hindi indikasyon ng nagaganap na kalamidad.
Hinihikayat ang mga residente na gamitin ang lingguhang hudyat bilang pagkakataon upang repasuhin ang kanilang family evacuation plan, ihanda ang mga emergency supply, at tiyaking kumpleto ang kanilang mga Go Bag. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










