
Handang-handa na ang grupong PISTON na idepensa ang hirit nilang P10 dagdag pasahe.
Itinakda na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa April 18 ang pagdinig hinggil sa petisyon ng PISTON na magtaas ng minimum fare sa jeepney mula P13 patungong P23 .
Sa panayam ng DZXL RMN News, sinabi ni Ka Mody Floranda, national president ng PISTON na kumpiyansa sila na may sapat na datos ng naging epekto na sa kanilang kabuhayan ng malakihang taas presyo ng krudo dahil sa krisis sa langis.
Ayon sa grupo, halos P2,000 na kada araw ang nawala sa kanilang kita dahil sa pagmahal ng krudo.
Ani Floranda, magbibigay ng lakas ng loob sa mga pinanghihinaan na ng loob na magpatuloy na pumasada ang positibong maitutugon ng LTFRB sa kanilang petisyon.
Ayon naman sa LTFRB, dadaan sa masusing pag aaral ang hirit ng PISTON upang balansehin ang pangangailangan ng driver at sa epekto nito sa ekonomiya.
Magugunita na una nang inaprubahan ng Department of Transportation (DOTR) at LTFRB ang pisong dagdag pasahe sa jeep pero kalaunan ay binawi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa halip ay namahagi na lang ng fuel subsidy at discount sa krudo.










