Thursday, May 7, 2026

Kampo ni Rep. Romualdez, iginiit na extortion ang ugat ng pag-aresto kay Franco Mabanta at walang kinalaman sa press freedom

Iginiit ng kampo ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na extortion o pangingikil ang dahilan ng pag-aresto kay Peanut Gallery Media Network (PGMN) founder Franco Mabanta at walang kinalaman sa press freedom.

Ayon kay Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, pinipilipit ng PGMN ang tunay na kwento para palabasin na pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag at sa mga pumupuna sa gobyerno ang pag-huli kay Mabanta.

Katwiran ni Atienza, sa demokrasya ay malayang pumuna pero malinaw sa ating batas na isang krimen ang pangingikil.

Diin ni Atienza, ginawa lang ni Romualdez ang nararapat na pagdulog sa mga awtoridad na tiyak gagawin ng sinumang malalagay sa kaparehong sitwasyon.

Ayon kay Atienza, hindi maituturing na journalism ang ginawa ng PGMN na pag-produce ng video na hindi nito inilabas sa publiko at sa halip ay ginamit sa pangingikil.

Diin ni Atienza, ang anumang ebidensya ukol sa maling gawain ng sinumang opisyal ng gobyenro ay dapat ibigay sa mga awtoridad at hayaang aksyunan ng mga kaukulang institusyon sa halip na gamitin sa panghihingi ng pera.

Facebook Comments