
Kasado na bukas, Pebrero 4 ang isasagawang pagdinig ukol sa fake news at disinformation ng House Tri-Committee na binubuo ng Committees on Public Order and Safety, Public Information at Information and Communications Technology.
Ayon sa overall chairman ng Tri-Committee na si Laguna Representative Dan Fernandez, nasa 40 social media personalities ang ipinatawag bilang resource person sa pagdinig.
Inimbitahan din sa pagdinig ang mga kinatawan ng Google, Meta (Facebook), at ByteDance (TikTok), gayundin ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), at Department of Justice (DOJ).
Sabi ni Fernandez, mahalagang masuri sa pagdinig ang pagpapakalat ng maling impormasyon online at ang epekto nito sa pang-unawa ng publiko at pambansang seguridad.
Binanggit ni Fernandez na tatalakayin din sa hearing ang mga hamon sa regulasyon laban sa online disinformation at mga hakbang na dapat ipatupad hinggil dito.