
Kumikilos na palabas ng West Philippine Sea (WPS) ang tatlong barko ng People’s Liberation Army-Navy ng China na pumasok sa archipelagic waters ng bansa.
Ayon kay Phil. Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad base sa kanilang monitoring ngayong araw, nasa 120 nautical miles na ng Basilan ang tatlong barko ng China.
Kasama sa mga dinaanan nito ang Cuyo Island at ang Basilan Strait.
Paliwanag ni Trinidad, mabagal ang takbo ng tatlong barko na may bilis lang na apat hanggang limang knots at hindi maikokonsidera bilang innocent passage.
Samantala, ipinauubaya na ng Armed Forces of the Philippines o AFP sa kinauukulan kung muling maghahain ng protesta laban sa ginawa ng China.
Kasunod nito, muling tiniyak ng Sandatahang Lakas na kanilang ipatutupad ang kanilang mandato na protektahan ang teritoryo at soberenya ng bansa.