3 LALAKING MAGNANAKAW NG BAKA, ARESTADO

28
Cauayan City, Isabela- Bagsak sa kamay ng kapulisan ang tatlong kalalakihan matapos maaktuhan sa pagnanakaw ng alagang baka sa Brgy. Halag Proper, Aguinaldo, Ifugao.

Sa ibinahaging impormasyon ng PNP Alfonso lista, Ifugao, ang tatlong suspek ay pawang mga nasa hustong gulang at residente ng Brgy.Halag, Aguinaldo.

Una rito, bumuo ng grupo at nagsagawa ng masinsinang pagmamanman ang PNP Alfonso Lista dahil sa mga reklamong natatanggap mula sa mga biktima na nawawala ang kanilang mga alagang baka na nakapastol sa Brgy. Halag Proper, Aguinaldo.

Dahil sa mahigpit na pagmamanman ng mga operatiba katuwang ang mga complainant, namataan ang grupo ng mga kalalakihan na may tangay na isang baka at nakatakdang ibyahe gamit ang isang bangka.

Agad na nakipag-ugnayan ang hepe ng PNP Alfonso Lista na si PMaj Basilio K Hopdayan Jr sa kapulisan ng PNP Aguinaldo upang samahan sila sa kanilang operasyon na nagresulta sa matagumpay na pagkakahuli ng mga suspek.

Narekober sa mga salarin ang isang baka na pag-mamay-ari ng isa sa mga biktima; dalawang itak at mga radio na ginagamit bilang komunikasyon sa kanilang gawain.



Dinala sa himpilan ng Pulisya ng Aguinaldo MPS ang mga suspek at sila ay mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 533 o Anti Cattle Rustling Law of 1974.

Facebook Comments