
Idiniin ni Senator Erwin Tulfo na bigo ang lahat na mapigilan ang school shooting incident sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School (ADZU – JHS).
Iginiit ni Tulfo na nag-fail ang lahat hindi lang ang paaralan kundi pati na rin ang pamilya, mga magulang o ang guardian ng mga estudyante.
Pinuna ng senador ang magkaibang pagtrato ng eskwelahan sa mga mag-aaral na kapag naka-kotse, ibaba lang ang bata sasaluduhan pa ng gwardya at diretso na sa classroom habang kapag ang estudyante ay naka-tricycle, naka-pedicab o naglalakad ang mag-aaral ay dumadaan ito sa mabusising inspeksyon.
Bigo rin aniya ang mga guro na kumilos para maiwasan ang krimen dahil nalaman na palang nagbanta ang shooter na babarilin ang paaralan pero walang aksyon dito.
Iminungkahi ni Sen. Erwin na magkaroon ng batas o polisiya sa mga paaralan laban sa gunfire o shooting threat tulad sa mga airport na kapag may nagbanta o kahit nagbiro lang na may bomba ay sineseryoso talaga ng mga awtoridad.
Isusulong din ng senador ang panukala kung saan ang mga gun owners na magpapabaya at magagamit ng mga menor de edad ang baril para makapanakit o makapatay ay dapat na makasuhan din.
Pinaalalahanan din ni Tulfo ang mga magulang na sa kabila ng pagiging abala sa trabaho o negosyo ay sikaping kausapin at alamin ang buhay at problema ng mga anak.
Sa testimonya ni ADZU Board of Trustees Chairman Pedro Rufo Soliven, ang shooter ay isang normal na bata at isa sa pinakamatalinong estudyante sa kanyang level kung saan Valedictorian ito sa grade school sa Ateneo.










