Arestado ang isang target-list high-value target (HVT) at umano’y pangunahing supplier ng ilegal na droga sa ilang bayan sa Ilocos Norte matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Barangay Tabug, Batac City noong Hulyo 20.
Kinilala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1 ang suspek sa alyas na “Doc,” 24-anyos, isang solar setup installer.
Ayon sa awtoridad, kabilang siya sa target list ng PDEA at pinaniniwalaang nagsusuplay ng ilegal na droga sa mga bayan ng Badoc, Paoay, at Currimao.
Narekober mula sa suspek ang tinatayang 1.5 gramo ng hinihinalang shabu na may kabuuang halagang P10,500. Kabilang dito ang isang gramo na naibenta sa poseur buyer at 0.5 gramo na nasa kanyang pag-iingat.
Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Ilocos Norte Provincial Office katuwang ang Batac City Police Station, RIU 1-PIT Ilocos Norte, at RID PRO 1.
Ayon kay PDEA Regional Director Julius M. Paderes, malaking hakbang ang pagkakaaresto sa suspek upang maputol ang umano’y linya ng suplay ng ilegal na droga sa iba’t ibang bayan sa lalawigan.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










