Wednesday, June 3, 2026

34 BARANGAY NG URDANETA CITY, SUMAILALIM SA MASUSING EBALWASYON NG MGA PROGRAMANG PANGKALUSUGAN

Sinuri ng Urdaneta City Health Office ang pagpapatupad ng mahigit sampung pangunahing programang pangkalusugan sa lahat ng 34 barangay ng lungsod sa isinagawang 9-Day Barangay Evaluation mula Mayo 19 hanggang Hunyo 1.

Saklaw ng pagsusuri ang mga programang may direktang epekto sa kalusugan ng komunidad kabilang ang nutrisyon, pagbabakuna, kalinisan ng kapaligiran, kaligtasan sa kalsada, serbisyong panggamot, blood services, tuberculosis control, mental health, animal bite management, at disaster preparedness para sa sektor ng kalusugan.

Ayon sa ulat, bahagi umano ito ng Bayanihan sa Barangay Pangkalusugan Project o 4K Program na nakatuon sa Kalinisan, Kaalaman, Kaligtasan, at Kalusugan.

Bukod sa mga programa, tinasa rin ng City Health Office ang mga barangay leaders at stakeholders upang masukat ang kanilang pakikilahok at pagiging epektibo sa pagpapatupad ng mga serbisyong pangkalusugan sa kanilang nasasakupan.

Ayon sa mga opisyal, layunin ng ebalwasyon na matukoy kung gaano kahusay naipapatupad ang mga programang pangkalusugan sa antas ng barangay at kung anu-anong aspeto pa ang kailangang paigtingin upang mapabuti ang kalagayan ng kalusugan ng mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments