395 KILO NG BASURA, NAKOLEKTA SA ZUMBASURERO SA ALAMINOS CITY BILANG BAHAGI NG NATIONAL COOPERATIVE MONTH

Umabot sa 395 kilo o katumbas ng 39 na sako ng basura ang nakolekta sa isinagawang ZUMBAsurero sa Barangay Telbang, Alaminos City, noong Oktubre 15, 2026.

Isinagawa ang aktibidad ng City Cooperative and Development Office, katuwang ang City Environment and Natural Resources Office o City ENRO, bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Cooperative Month 2026.

Nakiisa sa programa ang iba’t ibang kooperatiba na hindi lamang nakibahagi sa pagsasayaw kundi nagtulungan din sa paglilinis ng kapaligiran.

Sa pamamagitan ng pinagsamang puwersa ng mga tanggapan, kooperatiba at mga boluntaryo, nakalikom ang mga kalahok ng daan-daang kilo ng basura sa nasabing barangay.

Layon ng aktibidad na palakasin ang diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan habang hinihikayat ang aktibong pakikilahok ng komunidad sa pagpapanatili ng kalinisan at pangangalaga sa kapaligiran. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments