SUSTAINABLE BAMBOO DEVELOPMENT AT CIRCULAR ECONOMY, PINALALAKAS SA SAN CARLOS CITY

Pinalalakas ng Pamahalaang Lungsod ng San Carlos ang mga programa nito para sa sustenableng paglinang ng kawayan, pangangalaga sa kalikasan, at paglikha ng mga oportunidad sa kabuhayan para sa mga mamamayan.

Sa pamumuno ni Mayor Julier C. Resuello, lumahok ang mga kinatawan ng lungsod sa Information, Education, and Communication o IEC Campaign on Sustainable Bamboo Development, Circular Economy, and Emerging Technologies na ginanap sa Watershed and Water Resources Research, Development and Extension Center o WWRRDEC Conference Room sa Loakan, Baguio City.

Kinatawan sa aktibidad ang City Cooperative, Entrepreneurship and Livelihood Development Office o CCELDO, sa pangunguna ni Ms. Arlaine M. De Vera, kasama ang City Agriculture Office na pinamumunuan ni Ms. Estrelita B.Jacaban.

Layunin ng nasabing kampanya na matutuhan ang mga makabagong pamamaraan sa paglinang ng kawayan, wastong pamamahala ng likas na yaman, at pagtataguyod ng mga kabuhayang makakalikasan.

Bilang bahagi ng aktibidad, bumisita rin ang mga kalahok sa isang bamboo nursery at processing facility upang masaksihan at mapag-aralan ang mga pamamaraan sa pagpaparami, produksyon, at pagproseso ng kawayan.

Inaasahang makatutulong ang mga natamong kaalaman upang higit pang mapaunlad ang mga lokal na negosyo at mga programang pangkabuhayan na nakabatay sa yamang-kawayan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments