Naaresto ng mga awtoridad ang apat na Most Wanted Persons sa magkakahiwalay na manhunt operations na isinagawa ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa mga lalawigan ng Ilocos Sur, La Union, at Benguet noong Mayo 14, 2026.
Sa Cervantes, Ilocos Sur, nadakip ng pinagsanib na pwersa ng pulisya ang isang 30-anyos na laborer na itinuturing na isa sa mga top wanted sa rehiyon. Kinakaharap nito ang mga kasong may kaugnayan sa Qualified Rape of a Minor at Qualified Rape by Sexual Assault.
Sa Bauang, La Union, inaresto naman ang isang 23-anyos na lalaki na kabilang sa regional most wanted list dahil sa kasong Statutory Rape. Isinagawa ang operasyon sa bisa ng intelligence-driven manhunt ng mga operatiba.
Samantala, sa Suyo, Ilocos Sur, nadakip ang isang 40-anyos na housewife na kabilang sa provincial most wanted list dahil sa kasong Qualified Theft.
Sa La Trinidad, Benguet, naaresto rin ang isang 27-anyos na lalaki na wanted sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos ang operasyon ng mga anti-narcotics operatives.
Ayon sa Police Regional Office 1, patuloy ang kanilang pinaigting na intelligence monitoring at operasyon laban sa mga pugante upang matiyak ang pagpapatupad ng batas sa rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






