
Arestado ng mga operatiba ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang tatlong indibidwal na nagbebenta ng mga hindi nakarehistrong pet food at treats sa isang warehouse sa Marilao, Bulacan.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Liza”, ang warehouse manager at supervisor ng nasabing lugar, at ang mga empleyadong sina alyas “Ed” at “Arni”.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang mga binibenta nilang produkto ay hindi nakarehistro at walang sertipikasyon mula sa Bureau of Animal Industry o BAI.
Ibig sabihin nito, ang mga nasabing produkto ay may posibleng mapanganib na mga content para sa mga alagang hayop.
Sa bisa ng search warrant narekober sa nasabing warehouse ang 380 na kahon na naglalaman ng higit 400 na sachets ng cat sticks; mahigit 37,000 lata ng assorted pet food; 3,500 packs ng meat paste; at mga parcel na naglalaman ng mga nakalatang pet product.
Kung saan tinatayang nasa P3.8 million ang halaga ng mga nasabing nakumpiskang produkto.
Kaugnay nito nahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 12308 o Animal Industry Development and Competitiveness Act.










