400k na halaga ng Marijuana, Nahuli sa 2 Suspek sa Calayan, Cagayan

27
Cauayan City, Isabela- Nakumpiskahan ang dalawang lalaki ng halos 400,000 pesos na halaga ng Marijuana sa Brgy. Babuyan Claro Island, Calayan, Cagayan pasado alas-6:00 ng gabi nitong June 1, 2022.

Ayon sa ulat ng Police Regional Office 2, kinilala ang mga suspek na sina Erizald Rosales at Rodrigo Linsangan Jr.

Nag-ugat ang matagumpay na operasyon ng mga operatiba matapos na makatanggap mula sa isang impormante na ang mga suspek ay gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at mayroon umanong nakatanim na “Marijuana” sa likod ng bahay ni Rosales.

Kaagad na nagkasa ng lehitimong operasyon ang PNP Calayan na nagresulta ng pagkakahuli sa akto ng paggamit ng iligal na marijuana ng mga suspek.

Nakumpiska ang labinlimang (15) fully grown uprooted plants na hinihinalang “Marijuana” na humigit kumulang tatlong kilo ang timbang at nagkakahalaga ng Php360,000.00. Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag may kaugnayan sa iligal na droga.

Facebook Comments