
Nanawagan si Marikina City Mayor Maan Teodoro sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) na magsagawa ng mga karagdagang hakbang at makipagtulungan sa lokal na pamahalaang lungsod para protektahan ang 514 puno laban sa pagtatayo ng Marcos Highway–St. Mary Avenue Bridge Project Bridge 1.
Ayon sa sulat ng Marikina Local Government Unit (LGU) kina DPWH Secretary Vince Dizon at DENR Secretary Mitch Cuna, mahalaga umano ang nasabing proyekto para sa pagpapabuti ng connectivity, pagpapagaan ng daloy ng trapiko, at pagpapalakas ng pananggalang kontra baha.
Gayunpaman, mariin namang iginiit sa sulat na kailangan umanong isaalang alang ang pangangalagg sa kalikasan, para ma-preserve ang natitirang green spaces at mature na mga puno ng lungsod.
Sa suhestyon ng lokal na pamahalaang lungsod, sinabi nito na kailangang isailalim sa beripikasyon ng lahat ng punong maaapektuhan, bigayang-prayoridad ang mga punong maaari pang ma-preserve, at pagpapatupad ng wastong earthballing at paglilipat ng mga punong kinakailangang alisin.
Dagdag pa rito, iginiit din ni Teodoro na ilipat ang mga kailangang ilipat na puno sa Provident Village o sa iba pang angkop na pampublikong lugar malapit sa komunidad.










