
Nag-abiso ang Embahada ng Pilipinas para sa lahat ng mga kababayang Pilipino na naninirahan at nagtatrabaho sa France na manatiling alerto sa gitna ng patuloy na mga kilos-protesta sa naturang bansa.
Inatasan ng Philippine Embassy ang Filipino community na maghanda ng 72-hour emergency kit at tiyaking madaling makuha ang kanilang mga pasaporte, cash, at iba pang mahahalagang personal na dokumento kapag kinakailangan.
Ipinapanawagan sa mga OFW at Pilipinong naninirahan sa naturang bansa na mag-iwan ng linya ng komunikasyon sa kanilang pamilya at patuloy na subaybayan ang mga balita at opisyal na abiso ng mga lokal na awtoridad.
Pinapayuhan naman ang sinumang nangangailangan ng agarang saklolo na agad makipag-ugnayan sa official emergency contact numbers ng Philippine Embassy sa France.










