78 ANYOS NA LOLO, MINARTILYO-PATAY

34
Naliligo sa sariling dugo ng matagpuan ang isang senior citizen matapos martilyohin ng mismong kapitbahay kagabi Nobyembre 32, 2022 sa Brgy. Caritan Centro, Tuguegarao City.

Kinilala ang biktima na si alyas Bruno, 78 taong gulang, biyudo sa Campos St., Brgy. Caritan Centro, Tuguegarao City habang ang itinuturong suspek naman ay si alyas Alexis, 25-taong gulang, binata, isang vendor at residente din ng lugar.

Ayon sa PNP Tuguegarao

, nakatanggap umano sila ng tawag mula sa isang concerned citizen hinggil sa insidente ng pambubugbog sa isang matanda sa nasabing lugar bandang 9:40 kagabi.

Agad naman silang rumesponde at pagdating sa lugar ng pinangyarihan ay tumambad sa kanila ang duguang katawan ng biktima.

Itinawag nila ang Rescue 1111 ng LGU Tuguegarao City upang maitakbo sa pagamutan ang biktima ngunit idineklara na itong dead on arrival.



Napag-alaman din na ang mismong tumawag sa istasyon ng pulis ay ang mga kaanak ng itinuturong suspek.

Ayon pa umano sa testimonya ng sariling kapatid ng suspek, nakarinig ito ng komosyon at ingay ng mga kahol ng aso sa kanilang paligid, kung kaya’t ito ay lumabas ng kanilang bahay upang tingnan.

Laking gulat umano nito ng makitang tumatakbo pasalubong sa kanya ang kapatid na may mga bahid ng dugo sa damit at katawan.

Binantaan din umano siya ng kapatid na ‘wag makikialam ngunit nang umalis ito ay agad din niyang itinawag ang nangyari sa mga awtoridad.

Batay sa pagsisiyasat ng SOCO, maraming beses umanong minartilyo ng suspek ang biktima na naging dahilan ng pagkamatay nito.

Nadakip naman ang suspek matapos isuplong ito ng ilang katao na nagtungo sa direksyon ng Diversion Road sa Brgy. Balzain, Tuguegarao City.

Facebook Comments