
Nanawagan si Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante sa kongreso ng mas mahigpit na pagsusuri sa paggamit ng pondo ng mga ahensya ng gobyerno.
Ayon kay Abante, mahalaga ang papel ng oversight committee sa pagmamatyag sa implementasyon ng mga programa ng ahensya at paggastos ng pondo, kaya’t marapat umanong sumailalim sa masusing pagsusuri ng nasabing komite ang mga ahensya bago ipatupad ang mga programa.
Sa Saturday News Forum, tinalakay din ni Abante ang proseso ng 2027 national budget, maging ang panukala ng National Expenditure Program (NEP).
Sa kabilang banda, kinuwestiyon din ni Abante ang Unprogrammed Funds at For Later Release (FLR), lalo na ang pagpapaliban ng pagpapalabas ng pondo na kailangan ng mga distrito at mamamayan.
Dagdag pa rito, iginiit ni Abante na maaaring mag-suggest ng mga proyekto ang mga kongresista para sa kanilang mga distrito, pero hindi umano nila pag-aari ang appropriation, habang hindi rin umano dapat pakialaman ng mga mambabatas ang pagpili ng contractor para sa mga proyekto.










