Monday, August 10, 2026

Pagtanggi ng defense panel na i-stipulate ang mga dokumento, nakakabagal sa usad ng impeachment trial

Nakakapagpabagal sa usad ng impeachment trial ang pagtanggi ng defense team ni Vice President Sara Duterte na i-stipulate ang mga dokumento kaugnay sa maling paggamit ng ₱612.5 million na confidential funds.

Sinabi ito ni House Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., makaraang hindi i-stipulate ng defense team ang libu-libong dokumentong bahagi ng financial and liquidation records, tulad ng mga acknowledgment receipts ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).

Ayon kay Tolosa, sinasadya man o hindi, ang hakbang ng defense team ay nakaka-apekto sa pag-usad ng paglilitis kay VP Sara.

Nagtataka rin si Lead prosecutor Representative Gerville Luistro, kung bakit ayaw mag-stipulate ng depensa gayong parehas na parehas naman ang dokumento ng prosecution sa dokumento ng defense.

Para naman kay Private Prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan, ‘unusual’ ang rason ng depensa na maaring iba ang mga dokumentong ipinrisinta ng mga auditors ng Commission in Audit (COA) sa impeachment trial.

Diin ni Ligutan, ang mga dokumento ng COA auditors ay ang kaparehong mga dokumentong isinumite mismo ng OVP at DepEd.

Facebook Comments