83 CATEGORY A SCHOLARS SA ALAMINOS CITY, TUMANGGAP NG ALLOWANCE SA ILALIM NG PAMAMAHALA NI MAYOR ARTH BRYAN CELESTE

WALUMPU’T TATLONG mahuhusay na mag-aaral sa Alaminos City ang tumanggap ng allowance para sa unang semestre ng School Year 2026–2027 sa patuloy na pagpapatupad ng scholarship program ng lokal na pamahalaan sa ilalim ni Mayor Arth Bryan Celeste.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang 44 na bagong iskolar at 39 na continuing scholars na may general average na 97 pataas.

Isinagawa ang pamamahagi ng allowance nitong Oktubre 11 sa City Conference Hall ng Alaminos City.

Ang scholarship program ay isa sa mga pangunahing serbisyong panlipunan ng pamahalaang lungsod na naglalayong matulungan ang mga kwalipikadong mag-aaral, lalo na ang mga kabataang may mataas na marka ngunit nangangailangan ng suportang pinansyal upang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.

Sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Arth Bryan Celeste, ipinagpapatuloy at pinalalakas ang mga programa sa edukasyon, kabilang ang pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga iskolar upang matugunan ang ilan sa kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral.

Bukod sa tulong-pinansyal, inilunsad din ng lokal na pamahalaan noong Setyembre 2026 ang kauna-unahang Campus Caravan sa mga lokal na unibersidad upang ilapit sa mga mag-aaral ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno at magbigay ng karagdagang pagsasanay sa mga kasanayan sa buhay.

Naging panauhing pandangal at tagapagsalita sa aktibidad ang dating iskolar na si Rana Mohamad Warmahaya, isang rehistradong nars, habang nagbigay naman ng mensahe ng suporta si City Administrator at Scholarship Board Chairman Arthur Celeste Jr.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, layunin ng pamahalaang lungsod na mabigyan ng mas maraming pagkakataon ang mga kabataan na makapagtapos ng pag-aaral at maabot ang kanilang mga pangarap. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments