Sumipa sa 6.4 porsiyento ang inflation rate o antas ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Ilocos Region noong Setyembre 2026, mas mataas kumpara sa 4.6 porsiyento noong Agosto at 2.7 porsiyento sa kaparehong buwan noong 2025.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) Region 1, kabilang sa mga pangunahing nagtulak sa pagtaas ng inflation ang pagkain at non-alcoholic beverages, transportasyon, at mga serbisyo sa restaurant at accommodation.
Pinakamalaki ang ambag ng pagkain at non-alcoholic beverages na may 42.4 porsiyentong bahagi sa kabuuang inflation, katumbas ng 2.7 percentage points.
Sinundan ito ng transportasyon na may 25.5 porsiyentong bahagi o 1.6 percentage points, at restaurant at accommodation services na may 12 porsiyentong bahagi o 0.8 percentage point.
Kapansin-pansin din ang pagbilis ng food inflation sa rehiyon na umakyat sa 6.9 porsiyento noong Setyembre mula sa 3 porsiyento noong Agosto. Mas mataas din ito kumpara sa 2 porsiyento noong Setyembre 2025.
Pinakamalaki ang naging ambag ng mga produktong butil at mga kaugnay nito sa food inflation, na umabot sa 69.5 porsiyento ng kabuuang ambag.
Sinundan ito ng mga gulay, lamang-ugat, plantain, cooking banana at legumes na may 19.1 porsiyento, at mga prutas at mani na may 10.3 porsiyento.
Samantala, sa mga lalawigan sa Region 1, naitala sa La Union ang pinakamataas na inflation rate na 9.4 porsiyento, kasunod ang Ilocos Sur sa 8.4 porsiyento at Ilocos Norte sa 6.8 porsiyento.
Pinakamababa naman ang inflation rate sa Pangasinan sa 5 porsiyento, bagama’t mas mataas pa rin ito kumpara sa naitala sa lalawigan noong Setyembre 2025.
Nakapagtala rin ng mas mataas na inflation rate ang lahat ng lalawigan sa rehiyon kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







