84-ANYOS NA LOLA SA LEKEP-BUTAO, NAKATANGGAP NG BAGONG WHEELCHAIR

Isang 84-anyos na senior citizen mula sa Barangay Lekep-Butao ang nakatanggap ng bagong wheelchair mula sa San Fabian Municipal Police Station (MPS) at Angels Foundation noong Agosto 26, 2026.

 

Dakong alas-10:20 ng umaga nang personal na bumisita sina San Fabian MPS Chief of Police PLTCOL Danilo M. Perez at Angels Foundation Founder Ms. Marlyn Narvarte kay Lola Clarita Nicolas Villanueva upang ihatid at pormal na i-turn over ang wheelchair.

 

Ayon sa San Fabian MPS, nakararanas si Lola Clarita ng hirap sa paggalaw dahil sa kanyang katandaan at mga kondisyon sa kalusugan, kabilang ang hypertension at mataas na blood sugar.

 

Layunin ng ipinagkaloob na wheelchair na makatulong sa kanyang pang-araw-araw na pagkilos, gayundin upang mabigyan siya ng higit na kaginhawaan at kaligtasan habang nasa kanilang tahanan.

 

Nagpaabot naman ng pasasalamat ang San Fabian MPS kay Narvarte at sa Angels Foundation sa kanilang patuloy na pakikiisa sa mga programang nakatuon sa pagtulong sa mga nangangailangan.

 

Binigyang-diin ng himpilan na ang ganitong pagtutulungan ay patunay na ang serbisyo ng kapulisan ay hindi lamang nakatuon sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad, kundi maging sa pagpapakita ng malasakit at pakikipagkapwa sa komunidad.

 

Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatiba, naipapakita na ang pagkakaisa ng law enforcement at mga organisasyong may malasakit sa kapwa ay maaaring maghatid ng pag-asa at konkretong tulong sa mga miyembro ng pamayanan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments